Tres ni Escamis nagligtas sa Cardinals
MANILA, Philippines — Isinalpak ni Clint Escamis ang buzzer-beating three-point shot para iligtas ang Mapua University kontra sa College of Saint Benilde, 75-73, sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Itinuloy ng Cardinals ang paglipad sa pang-pitong sunod na ratsada kasabay ng pagpigil sa seven-game winning streak ng Blazers para sa magkatulad nilang 13-3 record sa karera sa ‘twice-to-beat’ incentive sa Final Four.
Tumapos ang reigning MVP na may game-high 26 points, ang 10 dito ay iniskor niya sa third quarter para sa pagbangon ng Mapua mula sa isang 20-point deficit sa first half.
Isinara ng St. Benilde ang first half bitbit ang 54-39 bentahe tampok ang tig-10 points nina Gab Cometa at Matthew Oli.
Ngunit sa likod ni Escamis ay nakabalik sa laro ang Cardinals at dinagit ang 72-70 abante sa 2:30 minuto ng fourth quarter.
Ang free throw ni center Allen Liwag at putback ni Tony Ynot ang muling nagtaas sa Blazers sa 73-72 sa huling 57 segundo.
Bigo naman ang St. Benilde na makalayo kasunod ang game-winning triple ni Escamis para sa panalo ng Mapua na nakahugot kay Lawrence Mangubat ng 12 points.
Sa ikalawang laro, binuhay ng Letran College ang pag-asa sa Final Four matapos ungusan ang nagdedepensang San Beda University, 75-71.
Umangat ang Knights sa 8-9 marka. Laglag ang Beda sa 10-6 karta.
- Latest