Nur Misuari nakalabas na ng Pinas!
MANILA, Philippines - Wala na sa Pilipinas ang pinuno ng rebeldeng grupong National Liberation Front (MNLF), ayon sa kanyang tagapagsalita ngayong Martes.
Sinabi ni Emmanuel Fontanilla sa kanyang panayam sa DZMM na nakalabas na ng bansa si Nur Misuari, ang nasa likod ng kaguluhan sa Zamboanga City noong Setyembre.
Nahaharap sa kasong rebelyon si Misuari matapos lumabag sa International Humanitarian Laws nang sakupin niya ang ilang barangay ng lungsod na nagresulta sa pagkasawi ng ilang sundalo at rebelde at pagkasira pa ng mga ari-arian.
"Nasa OIC (Organization of Islamic Conference) na po 'yung ating mahal na propesor," pahayag ni Fontanilla tungkol kay Misuari. "Doon na po siya sa Guinea at nakikipag-usap na po."
Nanggulo ang mga rebelde dahil sa tingin nila'y nabalewala ang 1996 Final Peace Agreement (FPA) sa pagitan nila at ng gobyerno nang pasukin ng pamahalaang pinoy ang pagbubuo ng Bangsamoro Region na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Nitong kamakalawa lamang ay napagkasunduan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front ang power sharing para sa itatatag na Bangsamoro.
Kaugay na balita: Power sharing sa Bangsamoro aprubado
- Latest
- Trending