Tagbilaran City muling niyanig ng magnitude 5.4 aftershock
MANILA, Philippines - Patuloy na nararamdaman ang aftershock sa probinsya ng Bohol kasunod nang malakas na lindol noong nakaraang linggo, ayon sa mga state volcanologists ngayong Lunes.
Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na niyanig ng magnitude 5.4 na aftershock ang Tagbilaran City, Bohol kaninang 7:03 ng umaga.
Naitala ang Intensity V sa bayan ng San Isidro, Bohol, habang Intensity IV sa Metro Cebu at Intensity III sa Tagbilaran.
Umabot na sa 2,193 aftershocks ang naitala ng Phivolcs ngunit tanging 46 lamang ang naramdaman.
Umakyat naman sa 186 katao ang nasawi sa huling tala ng mga awtoridad ngayong umaga, habang 11 pa ang nawawala.
Inabisuhan ng National Risk Reduction Management and Council ang publiko na huwag magpanic tuwing may aftershock.
Dagdag ng ahensya na patuloy na makakaranas ng paggalaw ng lupa ang Central Visayas sa mga susunod na linggo.
Tumama ang magnitude 7.2 na lindol sa Bohol noong Oktubre 15 kung saan naramdaman ito sa iba't ibang probinsya sa Central Visayas.
Sinabi pa ng Phivolcs na sinlakas ng 32 atomic bombs ang magnitude 7.2 na lindol.
- Latest
- Trending