Doble proteksyon ibinibigay ng Taiwan sa mga Pinoy
MANILA, Philippines - Pinaigting na ng gobyerno ng Taiwan ang seguridad para sa mga Pilipino kasunod ng mga ulat ng pag-atake dahil sa pagkakapatay ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa isang Taiwanese na mangingisda sa karagatan malapit sa probinsya ng Batanes kamakailan.
Sinabi ni Manila Economic and Cultural Development (MECO) Chairman Amadeo Perez na pinatindi na ng Taiwan ang police visibility sa mga lugar kung saan naganap ang mga pag-atake at sa mga lugar na may mas maraming Pinoy.
"Doon sa lugar na may mga nasaktan, doble ang in-assign nilang pulis at tinututukan po lahat ng kaganapan na tungkol sa harassment at violence against our people," ani Perez sa isang panayam sa radyo ngayong Huwebes.
Naniniwala si Perez na seryoso ang mga opisyal ng Taiwan na protektahan ang mga Pilipino sa lugar nila upang humupa ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Nitong Miyerkoles sinabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na bahagya nang humupa ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan.
Samantala, pinabulaanan ni Perez ang mga ulat na inalok ng gobyerno ng Pilipinas ang pamilya ng nasawing mangingisda ng tulong pinansyal.
"Ang pera (ay) manggagaling sa mga Taiwanese businessmen na nasa Pilipinas at mga Pilipino businessmen, pero hindi 'yon ang halagang sinabi namin," sabi ni Perez.
Hindi naman nabanggit ni Perez kung magkano ang halaga ng tinutukoy na pera.
- Latest
- Trending