1 patay, 18 sugatan sa aksidente sa Central Mindanao

MANILA, Philippines – Utas ang isang manggagawa ng simbahan, habang 18 katao pa ang sugatan sa isang aksidente sa sasakyan nitong Sabado sa Central Mindanao.

Patungo sana sa isang thanksgiving mass para sa bagong talagang pari ang mga biktima, kabilang ang nasawing si Angeita Ceballos, nang sumalpok ang kanilang sasakyan sa isang Toyota Hilux pick-up truck sa national road ng lungsod ng Tacurong.

Namatay si Ceballos mula sa mga pinsalang tinamo sa ulo at katawan.

Isinugod sa iba’t ibang ospital sa lungsod ng Tacurong ang 18 pang sugatang biktima.

Ito na ang pangatlong aksidente sa Central Mindanao mula noong Marso.

Labing-walong katao ang nasawi mula sa naunang dalawang aksidente sa Pikit, North Cotabato, at Parang, Maguindanao.

Show comments