Desisyon ni Brillantes sa pagbibitiw sa puwesto sa Lunes na
MANILA, Philippines – Sa susunod na Lunes ay may desisyon na si Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes Jr. kung bibitiw na siya sa kanyang puwesto.
Ayon kay Brillantes, pag-iisipan niyang mabuti ang kanyang magiging desisyon ngayong Sabado hanggang Linggo upang sa Lunes ay magkaroon na siya ng desisyon.
Aniya, tuloy ang pakikipagpulong niya kay Pangulo Aquino upang ikonsulta kung dapat na nga ba niyang magbitiw sa puwesto.
"Hindi ako magre-resign sa kanya (Aquino). I am an independent constitutional chairman... The only purpose why I would like to see him is because kung aalis ako, I would also like to know kung sino naman ang naiisip niyang pumalit, so there will be some sort of continuity... It's just a matter of consultation," pahayag ni Brillantes.
Sinabi ni Brillantes na nais niyang malaman ang opinyon ni Aquino tungkol sa kanyang ginagawa sa Comelec.
"Nasabi ko na, gusto kong makausap ang Presidente baka kako masyado na akong matanda, ako ang problema sa Comelec... Baka gusto ko nang magpahinga muna... Tutulong na lang ako," ani Brillantes.
Inihayag kamakailan ni Brillantes na gusto na niyang bitiwan ang pagka-Comelec chairman o kaya ay magpahinga muna matapos maglabas ang Korte Suprema ng status quo ante order sa airtime limit na ipinapatupad ng komisyon sa mga campaign ads sa telebisyon at radyo.
Nagmaktol si Brillantes dahil ito na ang pang-apat na desisyon na inilabas ng Korte Suprema na hindi pabor sa komisyon.
Naniniwala naman si Brillantes na hindi magugulo ang halalan sa Mayo 13 sakaling magdesisyon siyang layasan na ang komisyon.
"Tatakbo naman siguro itong eleksyon na ito, naayos na ang lahat," anang opisyal.
- Latest
- Trending