MANILA, Philippines (AP) — Ibinasura ng korte sa Hong Kong ang permanent residency ng dalawang Pilipinong domestic helper (DH) kung saan libu-libong overseas workers ang apektado nito.
Sa botong 5-0 ngayong Lunes ng Court of Final Appeal ay hindi umubra ang petisyon ng dalawang Pilipino.
Umapela ang dalawa dahil anila ang pagbabawala sa mga domestic workers na magkaroon ng permanent residency sa bansa ay labag sa konstitusyon.
Ayon sa inilabas na desisyon ay magkaiba ang domestic helper sa mga dayuhang residente. Ganito rin ang posisyon ng gobyerno ng Hong Kong.
Dahil dito ay hindi maaaring permanenteng tumira ang mga domestic workers na sina Evangeline Banao Vallejos at Daniel Domingo na pitong taon na sa Hong Kong.
Sinasabi ng ilang grupo sa Hong Kong, na may tinatayang aabot sa 300,000 na DH mula sa mga bansa ng Southeast Asia, ang pagbabawal sa mga DH na tumira ng permanente ay dahil sa ethnic discrimination.
Pero ilang grupo sa Hong Kong ang nangangamba na kung payagan ng gobyerno nila ang permanenteng pagtira ng mga DH ay baka dumagsa ang mga kamag-anak nito sa kanilang bansa at magkaagawan sa social services, health at education systems.
Ang Hong Kong ay isang special administrative region ng China at ang permanent residency ay ang maaaring makuha ng dayuhan maliban sa citizenship.
Ang mga dayuhan na may ibang trabaho sa Hong Kong ay maaaring makakuha ng permanent residency matapos mamalagi sa bansa ng pitong taon. Magkakaroon sila ng karapatan na bumoto at makapagtrabaho kahit walang visa.
Tinatayang nasa 117,000 DH ang namamalagi na ng matagal sa Hong Kong, base sa kanilang pag-aaral.