MANILA, Philippines – Nakabalik na sa bansa ngayong Huwebes ang tatlong Cardinal na tumungo ng Rome upang daluhan ang papal conclave kung saan nailuklok sa puwesto si Pope Francis.
Lumapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 sina Manila Archbishop Luis Cardinal Tagle, retired Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales, at Cebu Archbishop emeritus Ricardo Cardinal Vidal bandang 10 ng umaga sakay ng Cathay Pacific.
Isang linggo rin ang itinagal ng tatlong cardinal sa Rome upang daluhan ang conclave pero tanging si Tagle lamang ang nakaboto para sa paghahanap ng bagong santo papa noon.
Sinabi ni Rosales sa isang media briefing na kahit hindi sila parte ng conclave ni Vidal ay sinuportahan nila ang instalasyon ni Pope Fracis sa pagdarasal.
Sinabi naman ni Tagle, na naging matunog ang pangalan bilang susunod na santo papa bago ang botohan, walang pamumuwersa o pangiimpluwensya sa naging botohan para sa susunod na pinuno ng simbahang katolika sa mundo.
Aniya, lahat ng cardinal na dumalo ng conclave ay nangakong mananatiling tikom ang bibig kung paano ang naging botohan.