P1.6-M shabu dadalhin sana sa Saudi nasabat
MANILA, Philippines - Nasabat mula sa isang hinihinalang drug courier ang shabu na aabot sa halagang P1.6 milyon, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency ngayong Miyerkules.
Sinabi ni PDEA director general Arturo Cacdac Jr. na nadakip si Jonas Lopez, 32, ng SSS Tagumpay Street, Sindalan, San Fernando City, Pampanga noong Marso 3.
Nahuli si Lopez matapos timbrehan ang PDEA ng sumukong si Benigno Cayanan Jr., 28, na nagtatrabaho sa Saudi Arabia.
Ayon kay Cacdac, hinihinalang si Lopez ang nasa likod ng talamak na pagbebenta ng shabu sa Riyadh, Saudi Arabia.
Nabawi ang malalaking pakete ng shabu, na may timbang na 297 gramo, sa pagitan ng espasyo ng pares ng tsinelas na dadalhin sana sa Saudi Arabia noong Martes 2.
“PDEA assures the public that we will continue to halt the exploitation of our overseas Filipino workers in transporting illegal drugs abroad," sabi ni Cacdac.
- Latest
- Trending