4 security agency sa SM Megamall ipinatatawag ng PNP
MANILA, Philippines – Ipapatawag ng Philippine National Police ang apat na security agency na may hawak sa seguridad ng SM Megamall sa Mandaluyong City dahil sa nangyaring nakawan noong Sabado.
Sinabi ng PNP-Supervisory Office for Security Investigation Agency (SOSIA), isasailalim sa interrogation ang Lambdan, Starforce, Blue Dragon at Link security personnel dahil sa insidente.
Nakatutok ang mga imbestigador ng SOSIA sa mga security guard ng Lambdan na nakaposte noong nangyari ang pagnanakaw bandang 7 ng gabi noong Sabado.
Ayon sa SOSIA, aalamin mula sa mga ahensya ang security protocol na ipinapatupad nila sa naturang mall.
"The fact na nakapasok iyong baril ayon sa report doon sa territorial police ay apparently may lapses sa pinatupad na security measures at iyon ang mga tinitignan namin, kung ano ang mga circumstances na nangyari before and after the incident," sabi ng SOSIA deputy head na si Senior Superintendent Buenaventura Viray Jr.
Ayon kay Viray, ang mga sekyu sa mga pasukan at labasan ng mall ay hindi armado at bigo silang kontrolin ang lugar matapos kumalat ang insidente.
Kung matagpuang may pagkukulang, papatawan ng P50,000 na multa ang security agency sa first offense at pagkakatanggal ng lisensya sa pangalawang pagkakataon.
Maaari rin aniya na masuspinde ng 30 araw ang mga sekyu kung mapatunayan na may pagkakamali sila kaugnay ng insidente.
"Sa mga security guards naman, ay one to 30 days suspension sa first offense, and usually ni-rerecommend namin, retraining for the period ng kanyang suspension," ani Viray.
Inaalam pa ng SOSIA ang dating record ng mga ahensya upang malaman kung mayroon na silang nagawang pagkukulang dati.
- Latest
- Trending