Pangasinan guv pinapaimbestigahan dahil sa jueteng
MANILA, Philippines - Magsasagawa ng 'full-blown' na imbestigasyon ang Department of Interior and Local Government (DILG) dahil sa mga paratang na nagpapatakbo ng jueteng si Pangasinan Gov. Amado Espino Jr., ayon kay DILG Secretary Mar Roxas ngayong Biyernes.
Iniutos ni Roxas ang imbestigasyon matapos pormal na magsampa ng reklamo si Ricardo Orduna, alkalde ng bayan ng Bugallon sa Pangasinan, na umaming sangkot siya sa operasyon ng jueteng sa probinsya.
Kasama rin sa nagdidiin kay Espino ay si Fernando Alimagno, isang kapitan ng barangay sa naturang probinsya.
“Tinitiyak ko kay Mayor Orduna ang aking suporta. Lalo na at alam kong inilagay niya ang kanyang sarili at ang kanyang pamilya sa peligro, kaya naman gagamitin ko ang kapangyarihan ng aking tanggapan sang-ayon sa batas upang imbestigahan ang usaping ito at tutukan ito hanggang katapusan,” pahayag ni Roxas sa isang pulong balitaan sa Camp Crame.
Samantala, iniutos ni Roxas ang pagbalasa sa mga tauhan ng pulisya sa Pangasinan habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Sa naturang pulong-balitaan, idinawit din ang isang Senior Superintendent Wilson Lopez na umano ay umaakto bilang kolektor ni Espino.
Bago magsimula ang pulong balitaan, nagsampa sa Office of the Ombudsman ng kasong pandarambong si Orduna laban kay Espino. Ipinasa ng alkalde ang sinumpaang salaysay na nilagdaan nila ni Alimagno.
“These are documented, actionable complaints. We have two insiders who have come out in the open, and have submitted sworn statements, which will be the basis of the Department of the Interior and Local Government to conduct a thorough investigation,” sabi ng kalihim.
“I advise Governor Espino to get a good lawyer,” dagdag ni Roxas.
Ipinangako ni Roxas ang mabilis at puspusang imbestigasyon base sa mga probisyon ng iba't ibang batas kabilang ang Anti-Graft Law, ang Anti-Money Laundering Act at ang Plunder Law o Republic Act 7080.
“With my background in finance, I know that when money flows, there will be a trail. We will use the anti-money laundering law para makita ang money trail,” aniya.
Sa sinumpaang salaysay ni Orduna, sinabi niya na personal niyang iniaabot kay Espino ang P2.5 milyon kada linggo sa mga nakaraang linggo bago umupo si Espino bilang gobernador ng Pangasinan.
Ayon pa kay Orduna, noong kongresista pa lamang si Espino ay mas maliit ang natatanggap nito linggu-linggo na aabot sa P750, 000.
Nangako si Roxas na puprotektahan niya ang mga testigo gayundin ang mga kamag-anak ng mga ito. Aniya, ihahabilin niya sina Orduna at Alimagno sa mga religious organizations habang hindi pa sila napapasailalim sa Witness Protection Program ng gobyerno. Dennis Carcamo
- Latest
- Trending