SWS: 69 percent ng Pinoy, may alam sa flood control probe
MANILA, Philippines — Halos pito sa bawat 10 Pilipino o 69% ng mga respondent ang may alam sa mga imbestigasyon kaugnay ng umano’y anomalya sa mga proyekto sa flood control, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS). Mas mataas ito kumpara sa 48% na naitala noong nakaraang taon.
Batay sa survey na isinagawa mula Setyembre 21 hanggang 27, 2026, pinakamataas ang antas ng kaalaman sa Metro Manila sa 80%, sinundan ng Balance Luzon sa 70%, Visayas sa 69%, at Mindanao sa 61%. Mas mataas din ang awareness sa mga respondent na may mas mataas na antas ng edukasyon.
Lumabas din sa survey na 41% ng mga Pilipino ang may malaking tiwala na may masasampahan ng kaso dahil sa mga alegasyon ng korapsyon sa flood control projects. Nagresulta ito sa net confidence score na +8, mas mababa kaysa sa +18 noong Setyembre 2025.
Pinakamataas ang net confidence sa Mindanao sa +15, habang negatibo naman ang naitala sa Metro Manila sa -7. Samantala, 28% lamang ang naniniwalang marami o halos lahat ng sangkot ay makukulong, habang 38% ang nagsabing kakaunti o halos walang mapaparusahan.
Isinagawa ng SWS ang face-to-face survey sa 1,500 adult respondent sa buong bansa. Nagsimula ang mga imbestigasyon matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 2025 ang pagsisiyasat sa umano’y mga iregularidad sa mga proyekto ng pamahalaan para sa flood control.
- Latest


















