2 pumalag sa ‘akyat-bahay’, 1 todas!

CAVITE, Philippines — Patay ang isang lalaki habang sugatan ang kaanak makaraan silang pagbabarilin ng lalaking hinihilang miyembro ng “akyat-bahay” na pumasok sa kanilang tahanan sa Brgy. Tamacan Amadeo, dito sa lalawigan, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang nasawi na si alyas “Ariel,” habang inoobserbahan sa pagamutan ang kamag-anak niyang si alyas “Leo.”
Sa pagsisiyasat ng Amadeo Police sa pangunguna ng kanilang OIC na si Police Major Jenefer N. Atienza, OIC, bandang alas-2 ng madaling-araw nang pasukin ng nag-iisang suspek ang compound ng mga biktima.
Nakita umano ng mga biktima ang suspek at papasok na sa kanilang bahay kung kaya kinompronta nila at tinangkang pigilan.
Napag-alaman na may hawak na maiksing baril na cal .45 ang isa sa mga biktima bilang pang-self defense kung sakaling may mangyari. Gayunman, bigla umano itong inagaw ng suspek na si alyas “Reggie,” 26-anyos, ng Gen. Trias City at pinagbabaril ang mga biktima bago mabilis na tumakas sakay ng itim na Kawasaki Fury.
Kapwa naisugod sa ospital ng mga tauhan ng Amadeo Municipal Disaster Risk Reduction ang Management Office MDRRMO) ang mga biktima subalit idineklarang dead-on-arrival ang biktimang si Ariel, habang inoobserbahan ang isa pa.
- Latest




















