Jeep tumagilid: 2 patay, 42 sugatan
MANILA, Philippines — Patay ang dalawang katao habang 42 iba pa ang sugatan nang tumagilid ang isang pampasaherong jeep na tumatahak sa pababang bahagi ng national road sa Barangay Binalay, Tinambac, Camarines Sur, nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Carl, isang mangingisda, ng Sitio Pag-asa, Brgy. Vito; at Vanessa, 27-anyos, ng Zone-1, Poblacion, pawang ng bayan ng Siruma.
Nilalapatan ng lunas sa tinamong mga sugat ng 41 pasahero, at ang driver na si Ben, 32.
Sa ulat ng pulisya alas-2:20 ng hapon mula sa Naga City ay binabagtas ang kahabaan ng highway ng pampasaherong jeep na may plakang EVN-844 na may 43 pasahero patungong Siruma.
Pagdating sa ibabaw ng mahabang tulay ng Pasusuhan Bridge sa Brgy. Binalay ay biglang pumutok ang kaliwang gulong sa hulihang bahagi ng jeep dahilan para mag-swerve ang sasakyan at tumagilid. Tumilapon ang lahat ng mga sakay na nakakunyapit sa gilid at pati ang mga nasa bubong ng jeep.
Ang mga nasa loob ay nadaganan ng kanilang dalang mga pangarga habang sumabog.
Ang pagiging overloaded ng jeep ang tinitingnang dahilan ng aksidente. Nahaharap sa patung-patong na kaso ang driver pati na ang operator ng jeep na si Elmer.
- Latest















