2 paslit, nalunod sa irigasyong kanal

MANILA, Philippines — Dalawang batang preschool ang nalunod sa isang irigasyong kanal sa Barangay San Vicente sa Banga, South Cotabato nitong Huwebes ng hapon, Oktubre 29.
Ang tatlong-taong-gulang na si Jonrey Lalantacon Mertalla at limang-taong-gulang na si Joana Lalantacon Erami ay huling nakitang naglalaro sa labas ng kanilang bakuran sa Purok Malipayon sa Barangay San Vicente bago nawala.
Ayon sa mga opisyal ng barangay at tauhan ng Banga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga mamamahayag nitong Biyernes, hindi namalayang nakapunta ang dalawang bata sa isang irigasyong kanal na hindi kalayuan sa kanilang magkatabing bahay at kalaunan ay natagpuan ng mga residente na palutang-lutang sa umaagos na tubig, wala nang malay.
Sinubukan ng mga emergency responder ng lokal na pamahalaan ng Banga at mga bumbero mula sa Bureau of Fire Protection na i-revive ang dalawang bata ngunit nabigong isalba ang dalawang bata.
Sinabi ni Rolly Aquino, hepe ng South Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, na tutulungan ni Gobernador Reynaldo Tamayo, Jr. ang mahihirap na pamilya ng dalawang bata na maisaayos ang kanilang libing.
Sinabi ni Tamayo na magsasagawa sila ng malawakang information campaign para turuan ang mga residente kung paano maiwasan ang ganitong insidente sa kanilang mga barangay.
Samantala, ang South Cotabato, na may 10 bayan at ang kabisera ay Koronadal City, ay may malalawak na palayan na tinatawid ng mga irigasyong kanal.
- Latest

















