Ruru, nag-shoot sa Spain!

Kabilang ang Los Salvajes Bravos sa walong pelikulang kalahok at magtatagisan sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong taon na pinagbibidahan nina Romnick Sarmenta, Ruru Madrid, Michael de Mesa, Christian Vasquez, at marami pang iba.
Isang historical drama ang pelikula na tumatalakay sa kwento ng mga Pilipinong dinala sa Spain para sa 1887 Philippine Exposition, ngunit doon ay tinanggalan ng dignidad at pagkatao nang gawin silang “human displays.”
Ayon sa direktor na si Paolo Dy, “Kwento ito tungkol sa mga ordinaryong mga tao na galing pa sa mga bundok, sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas at ni-recruit sila at dinala sila sa Madrid. So ‘yung mga communities, ‘di nila in-expect na mangyayari sa kanila ito.”
Karamihan sa pelikula ay kinunan sa Spain kasama ang ilang Spanish actors. Bukod sa 60 porsyento ng pelikula ay nasa wikang Espanyol, kinailangan ding harapin ng cast ang malamig na klima sa Madrid.
Dagdag pa ni Dy, talagang pinangarap nilang makuha sina Ruru at Romnick para sa lead roles. “Alam namin na sila ‘yung gusto namin all this time, talagang niligawan namin sila. Hinintay namin sila dahil busy na busy sila,” sabi ni Dy.
Nagpapasalamat si Sarmenta na maging bahagi ng proyekto at mapasama sa festival. “Blessing lahat kaya para makasama ‘yung pelikulang pinaghirapan niyo at mapasama sa festival. Sana nga pamilya ang mga manood ng isang pelikulang hindi pinag-uusapan sa mga eskuwelahan.”
Sabi naman ni Madrid, “Maganda na nakapasok siya sa MMFF, mas malaki ‘yung platform, ‘yung mas maraming Pilipino makakapanood ng pelikulang ito. I guess it’s about time na makapagkwento ng ganitong klaseng istorya at malaman ng bagong henerasyon. History is a reflection ng kinakaharap natin ngayon.”
Kasama rin sa pelikula sina Andreas Muñoz, Jojit Lorenzo, Arnold Reyes, Elora Españo, Paolo O’Hara, Javier Godino, Aya Sarmiento at marami pang iba.
Ang Los Salvajes Bravos ay produksyon ng JesCom Films, na siya ring nasa likod ng award-winning 2023 MMFF film na GomBurZa.
- Latest






















