Eala lalabanan si Shnaider sa quarters

Matapos sibakin si Gibson sa round of 16 ng Pan Pacific Open
MANILA, Philippines — Muling magtutuos sina Pinay tennis ace Alex Eala at Diana Shnaider ng Russia sa quarterfinal round.
Ito ay matapos patalsikin ni Eala si Talia Gibson ng Australia, 4-6, 6-2, 6-0, sa kanilang Round of 16 match sa WTA 500 Toray Pan Pacific Open kahapon sa Tokyo, Japan.
Nauna nang yumukod ang World No. 19 na si Eala sa No. 13 na si Shnaider, 5-7, 4-6, sa nakaraang Ningbo Open sa China.
Laban sa No. 38 na si Gibson, muling ipinakita ni Eala ang kanyang taglay na pusong Pinoy nang bumangon mula sa first-set loss para makatabla sa second frame.
“I think the key was really staying in the match, never giving up,” sabi ni Eala. “The first set was difficult but I had my chances. So I knew that if I kept my concentration, I would have more chances.”
Ito ang ikatlong sunod na panalo ng 21-anyos na si Eala sa kanilang tatlong pagtutuos ng 22-anyos na si Gibson matapos noong 2023 sa ITF tournaments.
Nagmula si Eala sa 6-1, 6-2, pagsibak kay British wildcard Mika Stojsavljevic sa Round of 32 noong Lunes.
Kumpara sa 17-anyos na si Stojsavljevic, nahirapan si Eala kay Gibson sa pagsisimula ng kanilang laban.
Sa kanyang pamatay na groundstrokes, hinataw ni Eala ang 5-2 abante para makahirit ng third set.
Hindi na pinagbigyan ni Eala si Gibson sa third frame para kumpletuhin ang kanyang pagresbak.
Hangad ni Eala na makabawi mula sa naunang kabiguan sa Singapore Open at Wuhan Open.
- Latest





















