2 arestado sa 350-kilong ‘butete’

PIO DURAN, Albay, Philippines — Arestado ang dalawang suspek habang nabawi mula sa kanila ang nasa 350 kilong daing na butete o puffer fish matapos masabat ito sa ginawang intelligence operation ng mga pulis sa Pio Duran Port sa bayang ito kamakalawa ng umaga.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 10654 o Fisheries Administrative Order 249 ang mga suspek na sina Jaime, driver ng Isuzu 10-wheeler truck na kinargahan ng naturang mga kontrabandong isda at ang pahinanteng si Santos, kapwa residente ng Masbate.
Sa ulat ng Police Regional Office 5, nakatanggap umano ng impormasyon ang mga pulis hinggil sa truck na may iligal na kontrabando na galing Masbate. Dakong alas-5:30 ng umaga, magkatuwang na ininspeksyon ng mga tauhan ng Pio Duran Police, Port Police, Port Security personnel, at Philippine Coast Guard ang karga ng 10-wheeler Isuzu truck (NHF-4080) ng mga suspek.
Bumulaga sa mga operatiba ang nasa 350 kilo ng tuyong isdang butete na nagkakahalaga ng P52,500.
Wala naman umanong maipakitang permit to transport mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang dalawa dahilan para dakpin sila at kumpiskahin ang kanilang trak at kargang mga isda.
- Latest




















