NTC: Mobile broadband monitoring, ‘di lang sa NCR

MANILA, Philippines — Hindi limitado sa National Capital Region (NCR) ang enforcement action laban sa mobile network operators (MNOs).
Ito ang nilinaw ng National Telecommunications Commission (NTC) na regular nitong isinasagawa sa buong bansa ang mobile broadband speed validation sa pamamagitan ng mga regional office nito.
Sinabi ng NTC na kada quarter ay ipinapaalam ng Komisyon sa mga operator ang mga barangay na napatunayang walang signal o mahinang signal at inaatasan ang mga ito na magsagawa ng kinakailangang network improvements.
Tinatapos na rin ng NTC ang buong resulta ng September 2026 revalidation at maglalabas ng show cause orders (SCOs) at daily penalties sa mga lungsod at munisipalidad sa NCR at iba pang rehiyon na may mataas na bilang ng mga lugar na walang signal o mahina ang signal.
Sa ilalim ng NTC Memorandum Circular No. 001-01-2026, kailangang sumunod ang mga kumpanyang saklaw ng regulasyon, kabilang ang mga mobile network operator, sa itinakdang quality-of-service standards.
Sinabi ng NTC na layunin ng mga hakbang na ito ay matiyak ang maaasahan, mas mabilis, at agarang tumutugon na telecommunications services para sa mga Pilipino, alinsunod sa mandato ng Public Service Act.
- Latest















