Bebot, kasabwat huli sa love scam ‘pamamanhikan’

Chinese partner hinuthutan…
MANILA, Philippines — Arestado ang isang 23-anyos na babae at lalaking kasabwat sa isinagawang entrapment operation ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kaugnay sa “romance-scheme” estafa sa isang Chinese national na kanilang hinuthutan para sa umano’y “pamamanhikan” at kasal sa Pasay City, nitong Sabado ng umaga.
Ang babaeng suspek ay inaresto nang tanggapin ang P10,000 marked money at dinakip din ang 29-anyos na kasama nito na nagtangkang itakas siya sa mga awtoridad.
Naganap ang entrapment sa Seaside Boulevard, Brgy. 76, Pasay City bandang alas-10:20 ng umaga ng Setyembre 26.
Ayon sa Sub-Station 10 (MOA) ng Pasay City Police Station, dumulog sa pulisya ang 30-anyos na Chinese na nagtatrabaho sa isang money changer dahil sa P130,000 na nakuha sa kanya at patuloy pa sa panghihingi, sa modus na kailangang ipakita sa mga magulang ng babaeng suspek ang pera, para payagan ang pamamanhikan at kasal.
Pilit umanong kinum-binse ng babae ang biktimang Chinese na babasbasan ng kanyang magulang ang kanilang relasyon sa paghingi ng P130,000, na nasundan ng P200,000 at nang hingan pa ng karagdagang P10,000 ay dito na idinulog ng biktima sa pulisya.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code at Obstruction of Justice sa ilalim ng Presidential Decree 1829
- Latest




















