Derek, itinagging niregaluhan ng condo si Ellen

Ipinarating namin sa isang taong malapit kay Derek Ramsay ang inilabas ng isang content creator tungkol sa karagdagang isyu nila ni Ellen Adarna. Sinimulan ng content sa pagbabalita tungkol sa kontrobersya ng Porche na nadawit si Derek. At itinuloy sa ilang properties na ang sabi, pati raw ang condo unit ng aktor sa BGC, Taguig ay binabawi na rin daw kay Ellen.
Regalo raw ito ni Derek kay Ellen pagkatapos nilang magpakasal. Ito raw condo na iyo ay pansamantalang tinirhan ni Derek nung nagkahiwalay sila ni Ellen.
Detalyado ang pagbalita na parang sure na sure ang paglahad ng kuwento. Kaya ipinarating namin ito kay Derek.
Sobrang fake news daw ang tungkol sa condo unit, dahil una sa lahat, wala raw siyang pagmamay-aring condo unit sa Taguig
Never daw niya naregaluhan si Ellen ng condo.
Ang nabibigay lang daw niya sa estranged wife ay bags, ibang gamit, at ang pinakamahal ay ang kotse na iniregalo niya three months pagkatapos ng kanilang kasal.
Ang mga ganitong isyu at intriga ang isa sa dahilan kung bakit umiiwas na lang si Derek sa pagpa-interview.
Nage-enjoy daw ang aktör sa negosyong sinimulan niya, lalo na ang restaurant niya sa Makati na maganda ang feedback na nakakarating sa amin.
Malabo na rin raw itong bumalik sa pag-aartista.
'Kapatid' na sina MJ at Marga, may negosyong kape na rin
Nakakatuwa iyung ilang mga kaibigang nasa media ay nagkakanegosyo, pero tinitiyak na may panahon sa kanilang pamilya.
Kaya suportado namin ang kaibigan naming si MJ Marfori ng TV 5 sa pinasok niyang negosyo sa health and wellness industry.
Kasama ang kapwa broadcaster ding si Marga Arenas-Vargas, inilunsad nila ang Gutta Glow na ginanap sa The Rockwell Club, Makati noong nakaraang Miyerkules.
Kasama rin nina MJ at Marga ang mga kapatid nilang si JR Marfori o si Marf, at si Mikee Arenas na gamay ang pagnenegosyo.
Ikinuwento ng dalawang Kapatid artists kung paano nila nabuo itong Gutta Glow. Ani MJ; “Yung idea was like 2021, 2022. Nag-Idol in Action kami ni Tiyang Marga Vargas with Idol Raffy Tulfo. So nung panahon na yun, lockdown. Naka-face mask kami, nag-RT PCR kami. Yung feeling namin…alam mo yung parang katapusan na hindi mo alam kung kailan yung katapusan.
“Pero ang arte namin. We’re always talking about beauty. We’re always talking about health. So, si Idol, binigyan kami ng idea na ba’t hindi naming gawing negosyo.
“Tapos, si Tiyang Marga, of course, after nung Idol In Action era, focused on motherhood.”
Ipinaliwanag naman ni Marga kung bakit isinama nila ang kanilang kapatid.
Ani Marga; “Actually, MJ and I matagal na kami naghahanap ng health and beauty and wellness business. Nasa Idol in Action pa kami. Pero naisip naming what if we put a business na kasama na mga kapatid namin.
“Kasi siyempre, hindi lang sine-share mo yung longevity saka yung good health. E business wise, mas pagkakatiwalaan mo yung mga kamag-anak mo siyempre. And yun yung expertise nila. Kasi more of these are numbers e. So, he’s really the business guy.
“Si Mikee, more of marketing. And kami ni MJ, since yun nga sa Idol In Action kami, mas malawak ang makasubok ng produkto namin.”
Parehong nanay pa sina MJ at Marga na nagulat kami, malalaki na pala ang mga anak ni Marga.
Tatlong babaeng edad 23, 18, at 16.
Kay MJ naman ay bata pa ang nag-iisang anak nil ani Oscar Oida.
Pareho silang abala sa kanilang trabaho, pero bilang nanay, tinitiyak daw nina MJ at Marga na meron talaga silang panahon sa kanilang anak.
Isa sa hosts si MJ sa programang Inay Ko Po kaya kailangan nagagampanan pa rin niya ang pagiging nanay, kahit abala sa pagiging journalist at sa Gutta Glow.
- Latest


























