Babae natagpuang patay sa loob ng ref
MANILA, Philippines — Isang nabubulok na bangkay ng babae ang natagpuan sa loob ng refrigerator sa isang inuupahang unit ng apartment sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal, nitong Miyerkules.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Freya,” 30-anyos.
Sa ulat, dakong alas-9:00 ng umaga ng Setyembre 16, 2026 nang madiskubre ang bangkay sa mismong unit na okupado ng biktima.
Sa imbestigasyon ng Rodriguez Municipal Police Station, sinabi ng kasera ng apartment na ilang beses niyang sinubukang tinawagan ang biktima simula noong Set. 10 upang papirmahin ito sa kontrata, ngunit walang sumagot mula sa loob.
Makalipas ang ilang araw, napansin ang mabahong amoy na nagmumula sa apartment kaya agad humingi ng tulong sa mga pulis.
Pagpasok sa unit ay nakita ang nakabagsak na refrigerator at nang buksan ay bumulaga ang nabubulok na bangkay ng biktima.
Patuloy pa sa imbestigasyon ang pulisya habang isinasagawa ang backtracking sa mga kuha ng CCTV upang madakip ang suspek na huling nakita kasama ng biktima.
Patuloy pang inaalam ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.
- Latest




















