Filipinas kikilatisin Hong Kong
MANILA, Philippines — Sisipain ng Philippine women’s national football team ang unang panalo sa 20th Asian Games sa pagharap sa Hong Kong sa Gifu Nagaragawa Stadium sa Japan.
Haharapin ng Filipinas ang Hong Kong squad sa Group G ngayong alas-6 ng gabi.
Inaasahang sasakyan ng mga Pinay booters ang naunang 1-1 draw sa Uzbekistan na tinampukan ng pahabol na goal ni substitute Natalie Collins sa ika-89 minuto ng laro.
“They don’t shy away from challenges, they fight through them. Hard work got them here, and that same fight will take them for another deep run,” ani Philippine Football Federation (PFF) president John Gutierrez.
Kung mananalo ang Filipinas sa Hong Kong ay lalakas ang kanilang tsansang makapasok sa quarterfinals.
Sa tournament format, ang top two teams sa bawat grupo ang awtomatikong sasampa sa quarterfinals kasama ang dalawang best third-place teams.
Tinalo na ng mga Pinay ang Hong Kong sa nakaraang Hangzhou Asiad sa China para sa kanilang 2-1 head-to-head record.
Sa Lunes lalabanan ng Filipinas ang China sa alas-3 ng hapon.
Samantala, haharapin ng Philippine national men’s under-23 team ang Vietnam sa Group C bukas ng alas-3:30 ng hapon sa men’s division.
Nakalasap ang mga Pinoy ng 1-5 kabiguan sa mga Uzbeks sa kanilang unang laro sa Asiad matapos ang 52 taon.
- Latest























