Shira, nakaalis na sa pagiging pabebe

Patuloy na niyayakap ng Israeli-Filipina actress na si Shira Tweg ang parehong aspeto ng kanyang pinagmulan habang patuloy na umaasa sa kapayapaan sa gitna ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Israel.
Umalis si Shira sa Netanya, Israel, kung saan siya ipinanganak noong siya ay seven years old pa lamang pero hindi nawawala ang komunikasyon niya sa mga kamag-anak doon.
“Basically, my whole life is here na,” pag-amin ni Shira sa ginanap na media conference ng pelukulang Mantsa last Sept. 3 sa Astoria, Ortigas.
May dalawang hawak sa pasaporte si Shira – ang parehong pasaporte ng Israel at Pilipinas.
Para sa young actress, Pilipinas na ang kanyang tahanan, pero aniya, itinuturing pa rin niyang importante ang Israel dahil doon siya ipinanganak.
Ngunit hindi niya nakikita ang sarili na maninirahan doon. “I would go back but I wouldn’t choose to stay there forever,” pag-amin niya.
Sinabi rin niyang naging mahirap para sa kanya na napapanood ang nagaganap na giyera sa rehiyon dahil sa kanyang amang Israeli.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na hindi niya tinitingnan ang tunggalian bilang usapin ng pagpili ng kakampihan. “I’m not just kumakampi sa mga Israeli. Kumakampi ako sa lahat ng victims,” sabi niya.
Sinabi rin ni Shira na maraming kaibigang Muslim ang kanyang ama na si Michael, na isang chef, at kahit siya ay may mga kaibigang Muslim.
Habang ang kanyang mommy na si Christine ay may mga kaibigan sa Israel na nagsusulong ng kapayapaan sa mundo. “We just really want to promote peace,” dagdag niya tungkol sa kanyang mga magulang na all-out ang support sa kanyang career.
Anyway, going back to Mantsa, sinabi ni Shira na ibang-iba ang role niya rito na isang psychological horror film na idinirek ni Louie Ignacio at mapapanood sa mga sinehan simula sa Oct. 7.
Umiikot ang kuwento ng pelikula sa usapin ng mental health at kung paano maaaring makaapekto ito psychologically sa kalagayan ng isang tao particular na ang masakit na karanasan sa pamilya.
Aniya ay sumisimbolo ang pamagat na Mantsa sa mga bagay na nananatili sa buhay at pamilya ng isang tao, kahit pa mahirap harapin ang mga ito.
Nahirapan daw siya rito dahil may mga eksenang mabibigat at ngayon lang niyang ginawa.
Mas nasanay raw kasi siya sa mga role na pabebe pero rito raw ay kinailangan niyang harapin ang mas matitinding emosyon.
“This is something na full-on emotions,” she said.
Inamin din niyang nakaramdam siya ng kaba o intimidation sa mga kasama sa pelikula—partikular na sa veteran stars na sina Pilar Pilapil at Gelli de Belen, lalo na noong una silang nagkita sa story conference.
Pero nawala raw ang kanyang pag-aalala matapos siyang lapitan at kausapin ng mga ito.
Hindi pa niya nakakalimutan ang isang eksena kasama si Pilar Pilapil na grabeng nagpakaba sa kanya.
Bago aniya ang eksena, kinausap siya ng mahusay na actress tungkol sa mga dapat nilang gawin at binigyan siya ng advice na hayaan lang niyang lumabas nang natural ang kanyang emosyon, sa halip na mag-worry kung iiyak ba siya o kung ano ang magiging hitsura niya sa eksena.
Kaya naman very thankful si Shira : “Sabi niya, hayaan ko lang na dumaloy ang aking mga emosyon.”
Ganun din ang experience niya kay Gelli.
Pero malaking bagay raw na natural na kalog at palabiro si Gelli. Na sa kabila raw ng status nito sa showbiz, naging supportive ito sa kanilang mga eksena kaya naging comfortable siya.
Sinusunod din niya ang payo ni Pilar Pilapil na huwag munang ma-in love tho wala naman daw siyang jowa sa kasalukuyan dahil naka-concentrate siya sa kanyang career.
Katuwiran niya pa, bata pa siya at marami pa raw gustong gawin sa buhay; marami pa raw gustong makamit, gawin at tuklasin.
At sa pamamagitan ng Mantsa, nagawang lagpasan ni Shira ang mga mas magaan na karakter na ginampanan niya noon.
Kasabay nito, patuloy niyang hinuhubog ang kanyang pagkakakilanlan bilang aktres, habang hindi bumibitaw ang ugnayan sa bansang kanyang pinagmulan o sinilangan.
Samantala, ang Mantsa ay produced nina Bambbi Fuentes at Tine Areola ng Dragon Entertainment, at mapapanood din sa pelikula sina Lloyd Samartino, Dino Guevarra, Miles Poblete, Than Perez, RJ Ariar, Jass dela Torre, Milli Marzo, Ghia Garcia, Bo Bautista, LA Santos, Raine Barretti, Snooky Serna at Janice de Belen.
Mapapanood ito simula sa Oktubre 7.
- Latest

























