Ma’am Gen kinoronahan sa PJC Division race
MANILA, Philippines — Ipinakita ng Ma’am Gen ang husay nito sa karerahan matapos nitong angkinin ang korona sa PJC Invitational Race (Division I) na nilarga sa pista ng Philippine Jockey Club sa Padre Garcia, Batangas Linggo ng hapon.
Kalmadong lumabas ng aparato ang Ma’am Gen na sinakyan ni jockey Joseph Ryan Pilitro habang humarurot naman agad ang Maria’s Legacy, Premiado at Shining Angel.
Pero hindi nagpaiwan ang Ma’am Gen, pagkakuha ng Maria’s Legacy ng bandera sa kalagitnaan ng karera ay sinundan agad ito ng winning horse.
Uminit ang bakbakan sa far turn habang kumukuha ng unahan ang Ma’am Gen at malakas naman na rumeremate ang Jewel Of The Nile na sa bandang labas dumaan.
Nagkapanabayan ang Ma’am Gen, Maria’s Legacy at Jewel Of The Nile sa unahan pagsapit ng huling kurbada at lalo pang umigting ang labanan sa rektahan.
Subalit nanatili ang tikas ng Ma’am Gen at umungos ito ng isang kabayo sa huling 100 metro ng karera.
Tinawid ng Ma’am Gen ang meta ng may limang kabayo ang agwat sa pumangalawang Maria’s Legacy, tersero ang Unafraid habang pumang-apat ang Jewel Of The Nile.
Nirehistro ng Ma’am Gen ang tiyempong 1:22.6 sa 1,300 meter race.
- Latest


















