Abogado ng IBP pinadalhan ng 2 bala

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Nagdulot ng malaking takot at pangamba sa isang abogado at kanyang pamilya ang pananakot ng hindi pa kilalang grupo o indibidwal matapos mag-iwan ang hindi nakilalang suspek ng dalawang piraso ng bala at sulat nang pagbabanta sa eatery na pag-aari ng biktima sa Marquez St., Old Albay District, Legazpi City ng lalawigang ito kamalawa ng umaga.
Mahigpit na kinondena ng National Union People’s Lawyers (NUPL) at Integrated Bar of the Philippines (IBP)-Albay Chapter ang pagbabanta sa kanilang miyembro na si Atty. Bartolome “Bart” Rayco at hiniling sa mga awtoridad na maimbestigahan upang matukoy ang nasa likod nito. Hinihingi rin nila ang mahigpit na seguridad para sa abogado at kanyang pamilya.
Sa ulat, dakong alas-6 ng umaga nang matagpuan ng ilang staff ng Jollikod Eatery sa entrance ng istablisimiyento ang dalawang bala ng M16 rifle na natatalian ng itim na laso, habang nakakabit sa bato na binalot sa plastik at papel na may nakasulat na “Atty. Bart Rayco MALAPIT KA NA!”
Sa paunang imbestigasyon ng Legazpi City Police, may ilang saksi na nakakita sa dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo na huminto sa harap ng kainan dakong alas-4 ng madaling araw.
Inihayag ng Police Regional Office 5 sa pangunguna ni regional director Brig. Gen. Randy Glenn Silvio na siniseryoso nila at mahigpit na iniimbestigahan ang pagbabanta kay Atty. Rayco. Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang kanilang mga tauhan sa abogado at pamilya para sa kaukulang seguridad ng mga ito.
- Latest
















