Alex, Venus balik-tambalan
MANILA, Philippines — Matutuloy na ang naudlot na tambalan nina Pinay tennis ace Alex Eala at dating Grand Slam champion Venus Williams ng Amerika.
Ito ay matapos ihayag ng mga organizers na magpapares sina Eala at Williams sa doubles ng National Bank Open sa Toronto, Canada.
Binigyan sina Eala at Williams ng wild card entry sa doubles event.
Kaya naman excited na ang lahat na muling makita na maglaro sina Eala at Williams sa doubles.
Makakasagupa nina Eala at Williams sa opening round sina Miyu Kato ng Japan at Liudmila Samsonova ng Russia sa Biyernes (oras sa Maynila).
Ito ang ikalawang pagkakataon na magtatambal sina Eala at Williams sa doubles.
Una na noong Hunyo sa Bad Homburg sa Germany kung saan nakaabot ang dalawa sa quarterfinals.
Naputol ang ratsada nina Eala at Williams matapos lumasap ng 3-6, 2-6 kabiguan kina Olivia Nichols ng Great Britain at Tereza Mihalikova ng Slovakia.
Magsasama sana sina Eala at Williams sa doubles ng Mubadala DC Open.
Subalit nagpasya si Eala na mag-withdraw sa doubles dahil hindi pa ito 100 porsiyento noon at para maisentro ang kanyang atensiyon sa singles.
Nagbunga ang desisyon ni Eala na lumiban sa doubles dahil nagkampeon ito sa singles matapos patumbahin si Jessica Pegula ng Amerika.
Bago ang doubles, sesentro muna ang atensiyon ni Eala sa singles ng National Bank Open laban kay Alycia Parks.
- Latest


















