Uste nagpalakas sa Final Four

MANILA, Philippines — Pinalakas ng University of Santo Tomas ang tsansa sa Final Four matapos ang 25-22, 25-17, 25-13 pagsakmal sa Colegio de San Juan de Letran sa 2026 Shakey’s Collegiate National Invitationals kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Binanderahan nina Avril Bron, Erica Guttierez at Bianca Plaza ang Golden Tigresses sa pagtatala ng ikatlong sunod na panalo at dumikit sa knockout semifinal berth.
Laglag ang baraha ng Lady Knights, ang reigning NCAA champion, sa 1-2.
Naglista ang UST ng 36 block kills at siyam na service aces, ngunit nakagawa ng 23 errors laban sa Letran sa torneong suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
Nakatakdang labanan ng Golden Tigresses ang Australian guest team Southern Storm Melbourne ngayong ala-1 ng hapon, habang haharapin ng Lady Knights ang College of Saint Benilde Lady Blazers sa alas-5 ng hapon.
Sa unang laro, pinadapa ng Lady Blazers ang Enderun Colleges Lady Titans, 21-25, 27-25, 25-18, 25-22, para sa kanilang 2-1 kartada.
Pumalo si rookie winger Mhonniecka Soliven ng 20 points mula sa 18 kills at dalawang service aces para banderahan ang bounce back win ng CSB na nagmula sa isang four-set loss sa UST.
Nag-ambag si Camila Bartolome ng 19 markers mula sa 14 attacks, kasama ang match-clinching crosscourt kill, apat na kill blocks at isang ace.
Pinamunuan ni Althea Botor ang Enderun sa kanyang 16 points.
- Latest




















