Comelec: Election period, gun ban sa BARMM
MANILA, Philippines — Umarangkada na kahapon ang pag-iral ng gun ban sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kasabay nang pormal na ring pagsisimula ng election period para sa pagdaraos ng kauna-unahang parliamentary polls sa rehiyon.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) chairperson George Erwin Garcia, ang election period ay pormal nang nagsimula dakong ala-12:01 ng umaga nitong Hulyo 16, kaya’t nagsimula na rin ang implementasyon ng gun ban.
Naglagay na rin umano sila ng mga checkpoints sa lahat ng 105 munisipalidad at tatlong lungsod sa rehiyon upang siyang magpatupad sa pagbabawal sa pagbibitbit at pagbibiyahe ng mga armas.
“12:01 a.m. start na po ng election period sa BARMM. Checkpoints will be set up in all 105 municipalities and 3 cities to implement the gun ban,” mensahe pa ni Garcia, sa isang Viber message.
Nabatid na ang election period para sa BPE ay magtatagal hanggang sa Setyembre 29, 2026.
Ang campaign period naman ay magsisimula sa Hulyo 30 at magtatapos sa Setyembre 12, 2026, o dalawang araw bago ang mismong araw ng halalan sa Setyembre 14, 2025.
- Latest




















