Pugot na ulo ng babae, natagpuan

MANILA, Philippines — Nagulantang ang mga residente matapos na matagpuan ang isang pugot na ulo ng isang babae sa isang bakanteng lote sa Brgy. Cansojong, Talisay City, Cebu nitong weekend, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng Talisay City Police, alas-11 ng umaga noong Sabado nang matagpuan ng mga basurero ang nasabing pugot na ulo na hindi na makilala dahil sa wakwak ito.
Samantalang isang bangkay ng babae na wala ring ulo ang natagpuan ilang metro sa kinatagpuan ng pugot na ulo na mahirap nang makilala dahil nagsisimula nang maagnas.
Nauna rito, isang 48-anyos na ginang na nagtatrabaho bilang stay-in caregiver sa Brgy. San Isidro, Talisay City ang nawawala. Huli siyang nakitang buhay noong Hulyo 4 matapos umalis sa kanilang bahay para magtrabaho. Ini-report naman ng employer ng ginang na nawawala noong Hulyo 6.
Nagsasagawa na ng buccal swab ang mga awtoridad base sa kahilingan ng pamilya ng biktima para gamitin sa DNA testing upang madetermina kung ang natagpuang bangkay na pugot ang ulo ay ang pinaghahanap na ginang.
- Latest























