3 magkakapatid nakuryente, todas

Edad 12, 15, 19
MANILA, Philippines — Isang lalaki at 2 babaeng menor-de-edad na magkakapatid ang nasawi matapos makuryente sa balkonahe ng kanilang bahay dahil sa diumano’y grounded na circuit breaker na nakakabit sa compressor ng kanilang air-conditioning unit, sa Barangay Pinyahan, Quezon City.
Ang mga biktima ay isang 19-anyos na lalaking Grade 12 student, isang 15-anyos na babae, at isang 12-anyos na babae rin. Sila ay magkakapatid na residente ng isang apartment sa Mapagbigay St., Barangay Pinyahan, Quezon City.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-6:45 ng gabi ng Biyernes, Hulyo 10, nang maganap ang insidente sa ikalawang palapag ng inuupahang apartment.
Sa imbestigasyon, habang nagsasampay ng mga nilabhang damit ang 15-anyos sa balkonahe ay nakuryente ito sa bakal na sampayan. Nagsisigaw at agad namang tinulungan ng 19 at 12-anyos, subalit sila rin ay nakuryente.
Nang makita ng isa pang lalaking kapatid na 9 na taong gulang, humingi ito ng tulong sa mga kapitbahay, na agad namang itinawag sa “QC Hotline 122” at rumesponde ang Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) at ang mga tauhan ng Brgy. Pinyahan.
Isinugod sa East Avenue Medical Center ang mga biktima subalit dead-on-arrival ang 15- anyos alas-7:31 ng gabi, habang ang dalawa pa ay idineklarang patay dahil sa ‘cardiac arrhythmia secondary to electrical injury, alas-7:38 ng gabi.
Sa pagsusuri naman sa circuit breaker na konektado sa compressor ng air-con na natuklasang grounded.
Nabatid na nasa trabaho ang ama ng mga biktima at hindi naman binanggit kung bakit wala silang ina na kasama sa bahay.
- Latest

















