Garcia kampeon sa Battle of GMs
MANILA, Philippines — Nahablot ni International Master Jan Emmanuel Garcia ang korona ng 2026 National Chess Championship-Battle of the Grand Masters matapos makipaghatian ng puntos kay Ruelle Canino sa 13th at final round sa PACE sa Quezon City.
Nagtala ang 29-anyos na si Garcia ng 9.5 points matapos ang 30 moves ng Slav kontra Canino upang masolo ang liderato sa tournament na selection para sa World Chess Olympiad.
Makakasama si Garcia sa Philippine Chess team na lalaro sa World Chess Olympiad sa Setyembre sa Samarkand, Uzbekistan kung saan ay tatlong slots ang nakalaan.
Pasok din si GM Darwin Laylo dahil nasungkit nito ang pangalawang puwesto sa event na may 14-player single round robin.
Inirehistro ng 46-anyos na si Laylo ang siyam na puntos matapos makipag-draw kay WGM Janelle Mae Frayna sa 17 moves ng Queen’s Bambit sa event na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) sa pamumuno nina chairman Prospero “Butch” Pichay at executive director GM Jayson Gonzales.
Nahablot ni Michael Concio Jr. ang isang ticket para makatulak ng piyesa sa Olympiad matapos maka-draw si IM Mark Jay Bacojo sa torneong suportado ng Philippine Sports Commission, (PSC) sa pangunguna ni chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio.
Nagtala ng 8.5 puntos si Concio kasunod si GM Daniel Quizon sa inilistang walong puntos.
- Latest


















