Alex Eala pasok sa Wimbledon 2nd round

MANILA, Philippines — Hindi nagsayang ng oras si Alex Eala nang mabilis nitong dispatsahin si Renata Zarazua ng Mexico, 6-1, 6-2, upang umabante sa second round ng Wimbledon Championships kahapon sa All England Lawn Tennis and Croquet Club sa London, England.
Bukod pa rito ang panibagong history na naitala ni Eala bilang kauna-unahang Pinoy na nagtala ng panalo sa singles ng Wimbledon Championships.
Matikas si Eala sa umpisa pa lamang ng bakbakan nang pakawalan nito ang matatalim na serves at solidong baseline attacks para makuha ang 1-0 bentahe.
Naipagpatuloy ng Pinay netter ang magandang momento sa second set para mabilis na patalsikin ang Mexican netter sa loob lamang ng isang oras at 19 minuto.
“I’m very happy with my first round. I think that I played really well and kept the intensity throughout the whole match so I’m hoping to keep this momentum going throughout the week,” ani Eala.
Ang panalo rin ang nagsilbing resbak ni Eala kay Zarazua na tumalo sa kanya sa quarterfinals ng W100 Cary Tennis Classic noong 2024 (6-3, 4-6, 3-6).
Hindi naman matutupad ang inaasam na pakikipagtuos ni Eala kay tennis legend Serena Williams sa second round.
Bigo si Williams na makapasok sa susunod na round matapos matalo kay Maya Joint ng Australia 6-3, 6-7 (6), 6-3, sa opening round.
Ngunit may ibang misyon si Eala.
Pakay nitong makabawi kay Joint — ang tumalo sa kanya sa finals ng Eastbourne Open noong nakaraang taon.
Maghaharap ang dalawa ngayong araw.
Sisimulan din ni Eala ngayong araw ang kampanya nito sa doubles kasama si Nikola Bartunkova ng Czech Republic.
Makakalaban nina Eala at Bartunkova sina Jelena Ostapenko ng Latvia at Sofia Kenin ng Amerika sa opening round.
Nagpasalamat naman si Eala sa mga Pinoy fans na dumagsa sa venue para suportahan ang kanyang laban.
“I was really surprised. Well, the Filipinos keep surprising me in good ways,” ani Eala.
Sinabi pa ni Eala na tila naglalaro ito sa isang ‘home crowd’ scene dahil sa malakas na hiyawan ng mga Pinoy fans na nagsisilbing motibasyon nito sa kanyang mga laro.
“I never would have thought that at Wimbledon I would have like a home crowd so super thankful and I really enjoyed that,” ani Eala.
- Latest





















