Lady meat trader itinumba ng tandem
MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang 53-anyos na negosyanteng ginang nang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng motorsiklo sa harap ng kanyang tindahan nitong Miyerkules ng umaga sa Barangay San Roque, Sto. Tomas City, Batangas.
Ang biktimang nasawi ay kinilalang si Evelyn, biyuda at residente ng Barangay San Pedro, Sto. Tomas City, Batangas.
Sa ulat ng pulisya, alas-4:00 ng madaling-araw nang huminto sa harap ng kanilang meat shop ang dalawang lalaking suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo at walang kaabug-abog na pinagbabaril ang biktima.
Sa salaysay ng live-in partner ng biktima, agad na tumakas ang mga suspek patungong Barangay San Miguel matapos isagawa ang pamamaril.
Nagsagawa na ng dragnet operation ang mga intelligence operative at imbestigador, kabilang ang pagsusuri sa mga kuha ng CCTV sa lugar at mga karatig na lugar, gayundin ang follow-up investigation upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa krimen.
- Latest
















