Sanya, naghahanap ng mapapangasawa

Posibleng magkaroon na ng kasintahan si Sanya Lopez ngayong taon. Nakikipag-date na ang Kapuso actress sa lalaking hindi pa niya mapangalanan. “Sa palagay ko, Tito Boy, time na. Hindi na tayo pabata, may time naman din tayo para doon din, and I think it’s time. Balance, as long as hindi ko napababayaan ang trabaho ko, nagagawa ko nang maayos lahat ng trabaho ko at hindi siya nagiging sagabal,” bungad sa amin ni Sanya sa Fast Talk with Boy Abunda.
Sa ngayon ay kinikilalang mabuti ng dalaga ang kanyang manliligaw. Para kay Sanya ay kailangang makasiguro sa lalaking kanyang iibigin. “Makikita natin, Tito Boy, kasi nandoon pa lang ako sa kinikilala ko talaga ‘yung tao. Naghahanap kasi ako hindi na ‘yung pangmadalian na relasyon. I’m not getting any younger, naghahanap ako ng partner na talaga, hopefully,” pagtatapat niya.
Mayroong mensahe ang aktres para sa lalaking magpapatibok sa kanyang puso. “Siguro if ever, kung nasaan ka man, kung nandiyan ka na, gusto ko na si Lord lang ang nasa center namin. Sana ingatan mo ang heart ko. Kasi if ever ikaw ang first boyfriend ko eh. Sana siya na ‘yung first husband ko soon. Kung siya man ang ibibigay ni Lord sa akin. Lord nasaan na siya?” nakangiting pahayag ng dalaga.
Dalawampu’t walong taong gulang na ngayon si Sanya. Nangangarap umano ang aktres na magkaroon ng asawa at mga anak sa mga susunod na taon. “Ako as babae, gusto kong magkaroon din ng pamilya. I hope magkaroon ako ng family ng kahit 32, 33. Hindi naman na siguro masama,” giit ng Kapuso actress.
Samantala, hindi raw inakala ng dalaga na magkakahiwalay pa sina Barbie Forteza at Jak Roberto. Pitong taon kasi ang inabot ng relasyon ng nakatatandang kapatid ni Sanya at ni Barbie. “Sa totoo lang, Tito Boy, nagulat din ako. Hindi ko na in-expect na mangyayari pa ‘yon eh. Kasi ang tagal na nila, hindi rin po biro ‘yung seven years. Pero decision nila ‘yon eh, sila ‘yon eh. Sila ang nakakaalam sa isa’t isa. Hindi ko alam kung bakit, kung paano,” pahayag ni Sanya.
Hanggang ngayon ay hindi pa nakakausap ng aktres ang dating magkasintahan tungkol sa naging hiwalayan. “Not yet po. Ang hirap kasi kaibigan ko si Barbie, kapatid ko si Jak. So hindi ko alam ‘yung kwento nila pareho. Pero nandito ako as kaibigan and as kapatid. Bilang kapatid nandito ako to support him and to listen. Pero hindi ako nandito para manghimasok. Kung mag-o-open ka sa akin, ready po ako para makinig. Right now, hinahayaan ko siya kung kailan siya ready. Same with Barbie, kung kailan din siya ready. Kasi kaibigan ko pa rin si Barbie, kapatid ko pa rin si Kuya. Iba rin ‘yung closeness namin kasi seven years po sila,” paliwanag ng dalaga. — Reports from JCC
- Latest