Kelot nahulog sa pampasaherong barko, nasagip
MANILA, Philippines — Matagumpay na nasagip ang isang 26-anyos na lalaking pasahero makaraan itong aksidenteng mahulog mula sa sinasakyang pampasaherong barko sa bahagi ng karagatan ng Great Sta Cruz Island sa Zamboanga City, ayon sa ulat kahapon.
Sa report na tinanggap ng Office of Civil Defense (OCD) Zamboanga City mula sa Coast Guard District Southern Mindanao, nakatanggap ng distress call ang Coast Guard Station Zamboanga City mula sa mga crew ng M/V Antonia 2 hinggil sa insidente.
Ayon sa imbestigasyon ang nasabing barko ay biyaheng Bongao, Tawi-Tawi at naglalayag na sa bahagi ng nasabing karagatan noong Nobyembre 23 nang mangyari ang insidente.
Sa kabila ng walang tigil na paghahanap sa buong magdamag ay nabigo ang mga rescuer na matagpuan hanggang nitong Nobyembre 24 dakong alas-6 ng umaga sa pinalawak na operasyon sa tulong ng mga residente ay natagpuan na ang nasabing lalaki na tinulungan ng ilang mangingisdang napadpad sa lugar.
Agad naman ng mga itong kinontak ang PCG Zamboanga at itinurn-over ang nasagip na pasahero.
Matapos na masagip, isinakay sa ambulansiya ang nasabing pasahero na dinala na sa Zamboanga City Medical Center para maisailalim sa eksaminasyong medikal.
- Latest

















