Person of interest sa kaso ng ‘babae sa ref’, arestado

MANILA, Philippines — Bumagsak na sa kamay ng pulisya ang isang 32-anyos na lalaking itinuturing na person of interest sa pagkamatay ng babaeng natagpuan sa loob ng refrigerator sa isang apartment sa Rodriguez, Rizal noong Setyembre.
Nahuli sa bisa ng warrant of arrest sa kasong serious illegal detention at murder ang nasabing POI na nakasakay sa isang kotse na nakaparada sa isang convenience store sa Cubao Quezon City nitong Huwebes ng gabi sa tulong ng kasambahay ng biktima.
Ayon kay Rodriguez Police Chief Lt. Col. Arwyn Gaffud, kasambahay ng babaeng biktima ang naghain ng reklamo sa serious illegal detention laban sa lalaki kaugnay ng insidenteng umano’y nangyari sa Parañaque City noong 2025.
Itinuturing siyang person of interest sa pagkamatay ng babae dahil, ayon sa mga testigo, siya ang kasama nitong lumipat sa apartment sa Barangay San Jose bago natagpuan ang bangkay noong Setyembre 16.
Tumanggi muna ang lalaki na magbigay ng pahayag ngunit sinabi umano nito sa pulisya na wala siya sa lugar nang mangyari ang insidente.
Nasa kustodiya na rin ng pulisya ang sasakyang ginamit ng lalaki at isinailalim ito sa inspeksiyon.
Ayon kay Gaffud, patuloy ang pangangalap ng ebidensiya at hinihintay ang resulta ng DNA examination ng biktima bago isumite sa Rizal provincial prosecutor ang kaukulang kaso kaugnay ng pagpatay.
Magugunita ang bangkay ng biktima na nasa 25 hanggang 30-anyos ay natagpuan noong September 16,2026 sa loob ng inuupahang apartment sa Rodriguez Rizal na nasa isang refrigerator.
Natuklasan lamang ang bangkay nito nang lumikha nang masangsang na amoy mula sa inuupahang bahay kaya’t ang may-ari ng apartment ay humingi ng tulong sa barangay na napag-alaman na may limang araw na itong patay.
- Latest





















