BSKE postponement, kukwestiyunin ng NAMFREL sa SC

MANILA, Philippines — Planong maghain ang National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) ng petition for certiorari sa Supreme Court upang kuwestiyunin ang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay NAMFREL Secretary General Eric Alvia, hinihintay na lamang nila ang clearance ng kanilang council bago ihain ang petisyon.
Iginiit ng grupo na nakaaapekto sa karapatan ng mga botante ang pagpapaliban ng halalan, na ayon kay Alvia ay ika-siyam nang postponement mula 1994.
“Kaya namin tinututulan ang batas na ito, ito ay humahadlang sa karapatan natin para bumoto at mamili ng ating mga pinuno. Itong halalan na ‘to, pang-siyam na beses na itong pinostpone, simula 1994,” ani Alvia.
Una na ring nagpahayag ng pagkadismaya ang Namfrel sa pagpapalibang muli sa BSKE.
Tiniyak din ng grupo na suportado nila ang mga hakbang para kuwestiyunin ang constitutionality nito.
- Latest
















