Eala No. 24 na sa WTA live rankings

MANILA, Philippines — Patuloy ang pag-angat ni Alex Eala sa world rankings.
Muling sumulong ang 21-anyos Pinay netter sa panibagong career-high na No. 24 sa WTA live rankings matapos makapasok sa finals ng Mubadala DC Open na ginaganap sa Washington DC sa Amerika.
Sumampa si Eala ng apat na puntos mula sa kanyang dating puwesto na No. 28 para makuha ang kanyang bagong career-high position.
Nakalikom si Eala ng 265 puntos para madagdagan ang kanyang kabuuang puntos ng 1,931.
Aangat pa ito kung makukuha ni Eala ang kampeonato sa Mubadala DC Open.
Nagsimula na ang laban kung saan lamang si Jessica Pegula ng Amerika matapos makuha ang unang set sa iskor na 6-4.
Subalit abante si Eala sa second set, 2-1, nang matigil ang laro dahil sa malakas na buhos ng ulan.
Kailangan ni Eala na kumayod ng husto upang maitabla ang set sa 1-1 at maipuwersa ang third set.
Sa pagpasok nito sa finals, nakasisiguro na si Eala ng tumataginting na $155,000 o katumbas ng P9.3 milyon base sa exchange rate na P60 kada $1 dolyar.
Lalaki pa ito sa $252,000 o mahigit P15 milyon kung masusungkit ni Eala ang kampeonato sa Mubadala DC Open.
Gayunpaman, hindi makukuha ni Eala nang buo ang mga nabanggit na prize money dahil mababawasan pa ito ng tax kasama pa ang mga coaches fee at iba pang gastusin ng kanyang team.
Matapos ang Mubadala DC Open, agad na tutulak si Eala sa Toronto, Canada para naman sa National Bank Open na isang WTA 1000 event.
Hawak ni Eala ang No. 25 seed sa National Bank Open kaya’t makasisiguro na ito ng opening round bye.
Malaking tulong ito para makapagpahinga pa si Eala bago sumabak sa National Bank Open lalo pa’t bibiyahe pa ito mula Washington patungong Toronto.
- Latest


















