HD Spikers, Solar Spikers tatapusin ang kamalasan
MANILA, Philippines — Pipilitin ng Cignal HD na makabangon mula sa dalawang sunod na kabiguan, habang ang apat na dikit na kamalasan ang gustong tapusin ng Capital1 Solar Energy sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Maghaharap ang HD Spikers at Solar Spikers ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang duwelo ng nagdedepensang Creamline Cool Smashers at Chery Tiggo Crossovers sa alas-5 ng hapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Dahil sa kanilang 20 total points ay naagaw ng Petro Gazz ang liderato sa kanilang 7-1 record kasunod ang Creamline (7-0), PLDT (6-3), Cignal HD (5-3), Akari (5-4), Chery Tiggo (5-4), Choco Mucho (5-3), ZUS Coffee (4-5), Farm Fresh (4-5), Galeries Tower (1-7), Capital1 Solar Energy (1-7) at Nxled (0-8).
Matapos manalo sa Highrisers ay minalas ang HD Spikers sa High Speed Hitters at sa Cool Smashers.
Bigo naman ang Solar Spikers sa Highrisers, Cool Smashers, Thunderbelles at sa Chargers.
Muling aasahan ng Cignal sina Vanie Gandler, rookie Ishie Lalongisip, Jackie Acuña, Rose Doria-Aquino, setter Gel Cayuna at libero Dawn Macandili-Catindig.
“Kinapos man kami, pero for me we already won kasi ang daming learnings and also ‘yung experience sa ganoong laro is puwede ko pang madala sa mga upcoming games namin,” ani Lalongisip sa kabiguan nila sa Creamline.
Itatapat ng Capital1 sina Trisha Genesis, Shola Alvarez, Des Clemente-De Guzman, Leila Cruz, Iris Tolenada at Patty Orendain.
Sa tournament, walang tropang masisibak kung saan sila papasok sa knockout stage tampok ang mga top teams kontra sa mga lower squads.
Samantala, puntirya ng Creamline ang pang-walong sunod na ratsada sa pagharap sa Chery Tiggo na babawi mula sa isang four-set loss sa ZUS Coffee sa huli nilang laro.
- Latest