‘Pag lumaban, patayin niyo’!
Duterte inamin bilin sa mga pulis vs criminal
MANILA, Philippines — Inamin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig nitong Lunes ng subcommittee ng Senado na inatasan niya ang mga opisyal ng pulisya na “hikayatin” ang mga kriminal na lumaban para magkaroon sila ng dahilan para patayin sila.
“Ang sinabi ko ganito, parangkahan tayo, encourage the criminals to fight. Encourage them to draw their guns…Pagka lumaban, patayin ninyo para matapos na ang problema ko sa siyudad ko. Nung na-presidente ako, ganun din sa command conference,” pag-amin ni Duterte sa imbestigasyon ng Senate blue ribbon subcommittee tungkol sa madugong drug war noong nakaraang admimistrasyon.
Tinawag din ni Duterte na mga commander ng “death squad” ang mga naging hepe ng Philippine National Police sa Davao City bagaman at itinanggi na ginagamit niya ang pulis para magpatupad ng mga kill order.
Kabilang sa mga naging opisyal ng pulisya sina dating national police chiefs Archie Gamboa, Vicente Danao at Senator Ronald “Bato” dela Rosa, na pawang nagsilbi sa Davao City, ang baluarte ni Duterte.
“Kasi mga police director sila na humahawak, kumokontrol sa mga krimen sa lungsod… ‘Pag sinabi mong death squad, it’s a very loose term na ginagamit mo lang,” paglilinaw ni Duterte matapos tanungin ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros tungkol sa ginamit na terminong “commander ng death squad.”
Nilinaw ni Hontiveros kay Duterte kung talagang iniutos niya sa pulisya na hikayatin ang mga suspek na lumaban para mapatay sila ng mga pulis, na sinagot ng dating pinuno, “Tama, oo.”
Bagaman at sinabi ni Hontiveros na hindi tama ang nasabing utos, sinabi naman ni Duterte na hindi naranasan ni Hontiveros na maging pinuno ng komunidad.
“Yan ang pananaw mo. Hindi ito ang aking pananaw. Pagka-mayor, pagka-prosecutor, alam ko, dumaan prosecutor, mayor, presidente, alam ko ang trabaho ko. Hindi ka nagdala ng siyudad. You never have a chance to solve the problem of the community,” sabi ni Duterte.
- Latest