VP Sara, may parliamentary courtesy sa budget hearing

MANILA, Philippines — Bibigyan ng parliamentary courtesy si Vice President Sara Duterte sa sandaling dumalo ito sa budget hearing ng Office of the Vice President (OVP) sa Senado.
Ito ang tiniyak ni Sen.JV Ejercito, dahil dati na namang binibigyan ng kortesiya ng Senado si Duterte bago pa nagkaroon ng mga “political noise na katulad ng ibinibigay sa Office of the President.
Nakatakdang isagawa ng komite ang pagdinig sa badyet ng OVP sa Martes, Oktubre 20.
Hindi pa kinukumpirma ng bise presidente kung dadalo siya sa pagdinig, ngunit sinabi ni Ejercito na mauunawaan nila kung magpasya si Duterte na hindi humarap.
Bagaman at hindi binanggit ang impeachment trial, sinabi ni Ejercito na alam naman nila ang sitwasyon kung hindi darating ang bise presidente.
Sinabi rin ni Ejercito na maaari siyang kumonsulta sa iba pang miyembro ng finance committee kung paano nila haharapin o isasagawa ang pagdinig sa badyet ng OVP.
Nauna nang iniugnay ni Duterte ang impeachment proceedings sa mga alegasyon ng pamamahagi ng pera at political maneuvering at kinuwestiyon din niya kung ginagamit ang pondo ng bayan upang impluwensiyahan ang mga senator-judge at mga miyembro ng Kamara.
- Latest















