^

True Confessions

La Viuda (36)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

HINDI mapakali si Kristina habang nakatitig sa salamin sa loob ng kanyang silid sa mansiyon. Bawat paghaplos niya sa kanyang tiyan ay may kasamang matinding panga­ngatog at panlalamig. Pinaglalaruan ang kanyang isip ng mga alaala nitong mga naka­raang gabi: ang pagsisi­ping nila ni Ernesto... at ang maalab na gabi nila ni Andres.

Kanino nga ba? Kay Andres ba na tanging minahal ng kanyang puso, o kay Ernesto? Ngunit mas higit sa tanong na iyon ang katotohanang natuklasan ni Andres, na ang mabubuo sa kanyang sinapupunan ay gagamitin ng Donya sa kanyang masasama at maiitim na plano.

Nang sumapit ang tanghalian, pinasabihan si Kristina na bumaba na upang saluhan sa tanghalian si Doña Presentacion. Si Aling Pacing at ang dalawa pang kasambahay ay tahimik na nakatayo sa gilid, naghihintay sa bawat utos ng Donya habang isa-isang inihahain ang mga putahe at sariwang prutas sa harapan ni Kristina. Pero kahit gaano ka-espesyal at kasarap ang mga pagkain, tila halos hindi makalunok si Kristina dahil naiisip niya na para siyang inahing baboy na pinatataba para sa kanyang supling.

“Kristina, hindi mo ba gusto ang mga pinahanda ko sa’yo na mga ulam?” nagtatakang tanong ng donya.

“Paborito ko po ang mga iyan. Pero wala po akong ganang kumain ngayon…” nahihiya at natatakot na paliwanag ni Kristina.

“Pilitin mo ang sarili mo na kumain kahit kaunti,” malamig at may kakaibang lambing na utos ng donya habang nakatitig sa kanyang bawat subo. “Kailangan mong ­maging malakas... para sa mga susunod na araw.”

Napalunok si Kristina, halos hindi malunok ang pagkaing nasa kanyang bibig sa matinding kaba habang palihim na nagkakatitigan sila ni Aling ­Pacing. Ngunit bago pa man makapagsalita muli ang Donya, biglang bumukas ang dalawang malaking pintuan ng bulwagan.

Bam! Napatingin ang lahat sa lalaking pumasok, si Ernesto! Nakatayo sa gitna ng pinto, hingal na hingal ngunit bakas sa kanyang mga mata ang matinding determinasyon. Dahan-dahang ibinaba ng donya ang kanyang tinidor at kutsara, naniningkit ang mga mata sa paglitaw ng anak. “Ernesto... anong ginagawa mo rito?”

Hindi kumibo si Ernesto. Sa halip, direkta siyang naglakad patungo sa tapat ng lamesa at itinuro ang nanginginig na si Kristina.

“Narito ako upang kunin ang nararapat sa akin,” mariin at walang pag-aalinlangang sigaw ni Ernesto na umali­ngawngaw sa buong bulwagan. “Pakakasalan ko si Kristina, ngayon din!”

(Itutuloy)

ERNESTO

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with