Apoy Sa Balsa (83)
LUMIPAS ang ilang araw matapos ang presscon, unt-unting humupa na ang kontrobersiya.
Dahil sa katapatan ni Winona sa kanyang public apology, dahan-dahang pinalitan ng pagpapatawad ang galit ng publiko. Hindi man agad nabura ang kanyang pagkakamali, binigyan siya ng pagkakataon ng mga tao na magbago.
Lalo ring tumaas ang paghanga ng mga brand at tagahanga kay Kael; kinilala ang binata bilang isang modelong may matatag na prinsipyo at hindi basta-basta nagpapatangay sa PR stunts.
Sa loob ng camera, malaki ang nabago.
Hindi na makaimik ang mga talent managers na sina Frank at Manay Helen. Tuluyan na ring tinanggal si Darcy sa glam team ni Winona matapos opisyal na ihain ni Marco ang reklamo ukol sa paglabag sa Non-Disclosure Agreement. Nawalan ng anumang alas o hawak ang mga talent managers laban kina Kael at Rhea.
Sa opisina ng Creative Director, pumasok si Kael habang inaayos ni Rhea ang mga bagong layout para sa susunod na quarter.
“Mam Rhea, kape po muna kayo” nakangiting bati ni Kael, ibinaba ang dalawang cup ng mainit na kape sa mesa.
Tumingin si Rhea sa kanya, may bahagyang tawa sa mga mata nito. “Wala na tayo sa set, Kael.”
“Mas gusto kong tawagin kang Mam,” sagot ni Kael habang umuupo sa tapat ng kanyang mesa, ang mga mata ay puno ng pagmamahal. “Dahil ikaw lang naman ang nag-iisang boss ng buhay at puso ko.”
Umiling si Rhea ngunit hindi napigilang mapangiti. Inabot niya ang kamay ng binata at pinagdaop ang kanilang mga daliri sa ibabaw ng mesa, maliwanag, malaya, at wala nang takot sa anumang mga matang nakatitig.
(Itutuloy)
- Latest


















