Apoy sa Balsa(80)
ILANG linggo matapos ang photoshoot sa San Vicencio, nagkaroon na ng launching ang swimwear ad campaign ni Winona at Kael para sa clothing brand na Aether.
Ngunit matapos itong ilunsad sa mga billboard sa EDSA at sa mga retail stores nito, sumabog na parang bomba ang isang eskandalo sa mismong araw ng opisyal na launching nito.
Bago pa pagpiyestahan ang mainit swimwear photoshoot nina Kael at Winona, Isang video ang nag-viral sa social media.
Sa video, mapapanood si Winona sa isang mamahaling restaurant habang matapang na pinagagalitan, minamaliit, at tinatapunan ng tissue ang isang waiter dahil lamang sa maling order.
Sa loob lang ng dalawang oras, naging pambansang usap-usapan ang kawalan niya ng modo, at nagsimula nang manawagan ang publiko para sa boycott ng kanyang mga endorsement.
Kasama rito ang kaka-release pa lang na swimwear brand.
Agad nagkaroon ng emergency meeting sa board room ng ahensiya. Nakayuko at umiiyak si Winona sa tabi ng kanyang manager na si Manay Helen habang si Mr. Frank naman ay balisa. Si Rhea, bilang Supervising Creative Director, ay nakaupo sa dulo ng mesa kasama si Miss Agatha, tahimik na pinagmamasdan ang mga nagliliyab na mga numero sa screen.
“Ano na ang gagawin natin? Ang netizens, gusto na nilang balatan nang buhay si Winona?”
Humarap si Manay Helen kay Kael, na nakaupo lang sa tabi ni Rhea.
“May iisang paraan lang para matabunan ang isyung ito,” pahayag ni Manay Helen. “Kailangan nating maglabas ng emergency PR statement. Isang presscon kung saan sasabihin ni Winona na kaya mainit ang ulo niya sa video ay dahil gusto na niyang umamin sa publiko na sila na ni Kael. Pero itong si Kael, ayaw. Kaya sa mismong presscon na iyon, aaminin na si Kael na matagal na silang magkarelasyon ni Winona. Kapag nalaman ng publiko na ang ‘WiKael’ ay totoo, mapapalitan ng kilig at saya ang galit ng mga tao.”
Napatigil ang tibok ng puso ni Rhea.
(Itutuloy)
- Latest





















