Apoy Sa Balsa (76)
HINDI alam ni Rhea kung anong ang gustong puntahan ng mga sinabi ni Darcy. Gusto ba nitong mang-blackmail? O nais lang nitong magbigay ng sindak at babala bilang alalay ni Winona.
Pero kung ano man ang gusto nitong mangyari. Hindi nagpatinag si Rhea. Huminga siya nang malalim. Inangat niya ang tingin at deretsong tinitigan si Darcy sa mga mata, malamig, matatag, at buong-buo ang awtoridad bilang Supervising Creative Director.
“Darcy,” mahinang sabi ni Rhea, walang kaabu-abog ang boses. “Ang trabaho mo rito ay siguraduhing maayos ang makeup ng boss mo.”
“Alam ko naman po ‘yun, Mam Rhea,” palaban na sagot ng makeup artist.
“Ako naman, ang trabaho ko ay siguraduhing hindi masisira ang milyun-milyong kontrata ng brand na ‘to. Kapag nagpakalat ka ng kuwentong walang basehan na makasisira sa ad campaign na ito, sisiguraduhin kong hindi lang ang ahensiya ang magdedemanda sa ‘yo, maging si Winona ay mawawalan ng proyekto dahil sa ‘yo.”
Bahagyang namutla si Darcy, ngunit hindi nawala ang pang-uuyam sa mukha. Dahan-dahan itong tumango at isinilid sa bulsa ang cell phone.
“Titingnan natin, Mam Rhea,” bulong ni Darcy.
“Kaya kung ako sa’yo gawin mo na lang kung ano talaga ang trabaho mo rito,” pairap na utos ni Rhea.
Tumalikod at naglakad si Darcy pabalik sa tent ni Winona. Naiwang nakatayo si Rhea sa ilalim ng shed, hawak nang napakahigpit ang kanyang laptop. Kung nailigtas niya sa ngayon ang sarili, alam niyang hindi na ligtas ang kanilang lihim ni Kael.
(Itutuloy)
- Latest

















