6 patay, 3 missing sa tumaob na bangka

Galing sa bakunahan at 4Ps meeting
MANILA, Philippines — Anim ang patay habang tatlo pa ang nawawala nang tumaob ang kanilang sinasakyang bangkang de-motor matapos dumalo sa free vaccination at pulong ng 4Ps, sa bahagi ng Mapanuepe Lake sa Barangay Buhawen, San Marcelino, Zambales, kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Zambales Provincial Director Col. Benjamin Ariola, anim katao kabilang ang tatlong bata ang kumpirmadong patay sa insidente habang tatlo pa ang patuloy na pinaghahanap na kinabibilangan ng isang 5-anyos na bata, 12-anyos na bata, at isang buntis na babae. Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga biktima.
Sinabi ni Ariola na apat na sakay ng bangka ang nailigtas sa insidente.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-4:40 ng hapon, lulan ang 13 katao kabilang ang driver sa motorized banca at naglalayag sa nasabing gitna ng lawa nang bigla na lang tumaob ang bangka dahil sa overloaded o sobrang dami ng sakay nito.
Lumalabas na pauwi na ang mga biktima sa Sitio Lumibao matapos manggaling sa Buhawen Proper, kung saan sila ay sumailalim sa pagbabakuna sa isang health center sa Barangay at dumalo sa 4Ps meeting.
- Latest


















