Apoy sa Balsa (59)

Napatitig si Rhea sa namumula at nag-aalalang mukha ni Kael. Pagkalipas ng ilang segundo, hindi na niya napigilan ang humagalpak ng tawa.

“Para kang sira” natatawang wika ni Rhea habang kinukurot ang pisngi ni Kael. “Tratuhin mo bilang trabaho. Kunin mo ‘yung pera, at galingan mo. Tiwala ako sa ‘yo.”

 

Napakagulo ng buong production studio. Maaga pa lang, naroroon na ang limang sasak­yan ng entourage ni Winona Daniela, kumpleto sa sariling­ hair and makeup team, security, at per­sonal assistants.

Nakatayo si Kael sa gilid ng dressing room habang ina­ayos ng stylist ang kanyang blazer. Kabado pa rin siya, ngunit si­nusubukan niyang maging kalmado.

Nang pumasok si Winona sa set suot ang isang mama­haling silk dress, kaagad na nakatutok sa kaniya ang lahat ng ilaw. Maganda, confident, at sanay na sanay sa camera.

“So, you’re Kael?” matamis ang ngiti ni Winona habang dahan-dahang lumalapit sa binata. Tinitigan niya si Kael mula ulo hanggang paa. “I’ve seen your billboard along EDSA. May iguguwapo ka pa pala sa personal.”

“Good morning po, Ma’am Winona,”

Bahagyang natawa si Winona. “Grabe naman sa ‘Ma’am’. Teacher? Ito naman, Winona na lang.”

Sa buong maghapon ng shoot, ibinuhos ni Winona ang kaniyang pamosong karisma. Sa bawat pagitan ng mga takes, palagi itong sumasandal sa balikat ni Kael, humahawak sa braso nito habang tumatawa, at nagpo-post ng mga Behind-The-Scenes video sa Instagram na may mga nakatagong romantikong caption. Ang buong crew ay nagbubulungan na sa inaasahang panibagong “showbiz romance.”

(Itutuloy)

Show comments