Apoy sa Balsa (54)
BUMUKAS ang pinto ng elevator. Lumabas mula roon si Marco na may bitbit na isang paper bag mula sa isang kilalang bakeshop. Naka-focus ang tingin sa kanyang cell phone habang naglalakad patungo sa unit na ilang pinto lang ang agwat mula sa kuwarto ni Rhea. Bibisita siya ng kanyang nakababatang pinsan na babae na doon nakatira.
Ngunit nang iangat ni Marco ang tingin para hanapin ang numero ng pintuan ng pinsan, napatigil ang kanyang mga paa.
Halos masamid si Rhea sa sobrang kaba.
Nakatayo si Kael sa pinto ng unit ni Rhea, medyo magulo ang buhok, pambahay ang suot, at may hawak na pink na mug na malinaw na pagmamay-ari ni Rhea. At si Rhea, nakatayo sa hallway, nakatingin sa kanya nang may pambihirang gulat at kaba sa mga mata.
Tumahimik ang buong palapag. Ang tanging naririnig ay ang mahinang hum ng aircon sa vent.
Hindi nagpakita ng pagkagulat si Marco.
Tiningnan ni Marco ang mukha ni Kael. Tiningnan niya ang pintuan ng unit ni Rhea, at ang katapat nitong pinto kung saan may mga kahon pa sa labas.
Nakahawak si Kael sa pinto, dahan-dahang itinayo nang tuwid ang kanyang balikat. Hindi siya tumakbo pabalik sa loob. Tumayo siya roon bilang isang lalaking handang protektahan ang babaeng kasama niya, kahit na alam niyang ang taong nakatayo sa harap nila ay maaaring ikalat ang kanilang sikreto.
Inayos ni Marco ang hawak na bakeshop bag. Tinitigan niya nang deretso si Rhea sa mga mata.
“Rhea, dito ka pala nakatira?” malumanay, mababa, at napakaseryosong boses ni Marco. Binalingan niya si Kael. “...Kael, good morning.”
Tila ilang segundong nabitin ang hangin. Tumango lang si Kael bilang paggalang. Si Rhea naman hindi alam ang sasabihin. Babati ba siya ng good morning o magpapaliwanag o manikluhod na makikiusap na huwag ipagsabi ang kanilang sikreto.
Si Marco naman ay dahan-dahang naglakad patungo sa pinto ng kanyang pinsan sa dulo ng hallway, iniwan sina Rhea at Kael na nakatayo sa gitna ng katahimikan. (Itutuloy)
- Latest
















