Apoy Sa Balsa (53)

ALAS-SIYETE ng umaga. Nakabihis na si Rhea para sa isang mahalagang executive review sa ahensiya. Suot niya ang kanyang damit pang-opisina, nakatayo sa harap ng salamin sa sala habang inaayos ang kuwelyo.

Nakatayo si Kael sa kanyang tabi, suot ang simpleng grey sweater at shorts, hawak ang isang mug ng mainit na kape na siya mismo ang nagtimpla para sa dalaga.

“Masyado kang mabilis umi­nom ng kape kapag nai-stress ka,” marahang paalala ni Kael habang iniaabot ang mug. “Pinalitan ko ng oat milk ‘yan para hindi sumakit ang tiyan mo sa meeting.”

Napatingin si Rhea sa bi­nata­. Isang matamis na ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi. Inabot niya ang mug, umi­nom ng isang higop, at dahan-dahang inayos ang collar ng sweater ni Kael.

“Salamat, neighbor,” malambing na bulong ni Rhea. “Umuwi ka nang maaga mamaya. Ako naman ang magluluto.”

“Sige. Mag-iingat ka sa biyahe,” ngumiti si Kael, at dahan-dahang hinalikan ang pisngi ng dalaga.

Pumunta si Rhea sa pintuan para luma­bas­­. Bi­nuksan niya ang pinto nang malaki habang naka­sunod si Kael sa kanyang likuran, naka­hawak sa gilid ng pinto para magpaalam muli.

Sa sandaling iyon, ang hallway ng ika-labing-apat na palapag ay tila ang pinakaligtas na lugar sa buong mundo.

Ting.

Ang tunog ng elevator sa dulo ng mahabang hall­way ay pumasok sa katahimikan ng palapag.

Awtomatikong napatingin si Rhea sa gawi ng ele­vator, habang si Kael ay nananatiling naka­sandal sa frame ng pinto.

Bumukas ang pinto ng elevator. Lumabas mula doon si Marco. (Itutuloy)

Show comments